GAWANG ARALIN NI . Brother. Abdul Aziz Serna
AUDHO BILLAHI MINASHAITANER RAJIIEM
BISMILLAH HIRRAH MANIRAHIEM
ALHAMDULLILAH RABBIL ALAMIN
WASALATO WASALAMO WA MUHAMMADIN
WA LA ALI WA SABI’IH A JIMAIN A MABAD
ASSALAMU ALAYKUM WARAH MATULAHI WA BARAKHATU
SALAH – ANG PAGDARASAL
"Katotohanan, ang Salah ay pumipigil sa tao mula sa paggawa ng kalaswaan at kasamaan."
(Quráan-,29:45)
Ang Salah ay pinakamahalaga sa lahat ng itinakdang pamamaraan ng ‘Ibaadah. Ito ay
kinabibilangan ng paulit-ulit at pagbabalik-alaala sa Allah limang beses araw-araw. Ang ating
paglilinis ng katawan (Wudoo), pagpunta sa Masjid, ang pagyuko (Rukoo), pag-upo (Jalsa), ang
pagpatirapa sa lupa (Sujood), at ang pagtayo (Qiyaam), ay sumasagisag bilang tanda ng pagsuko
at pagsunod sa Diyos (Allah). Ang ating pagbigkas ng mga talata ng Quráan ay mga paalaala ng
ating kasunduan sa Allah. Tayo ay humihingi ng patnubay at lagi tayong nagsusumamo sa Kanya
upang makaiwas sa parusa at sumunod sa Kanyang landas. Ang Salah ay nagbibigay alaala sa
Araw ng Paghuhukom, na tayo ay haharap sa ating Panginoon sa Araw na yaon upang tanggapin
ang bunga ng ating mga gawa sa mundong ito.
Sa pagsagawa ng Salah, tayo ay tumatalikod pansumandali sa ating gawain at muli ang ating isip
ay nakatuon sa ating Panginoon. Maging sa pagsapit ng takipsilim, muli nating tinutupad ang
pananagutan sa Kanya at binibigyang-buhay ang ating pananampalataya at pananalig. Dahil sa
dalas at oras na ginugugol sa Salah, hindi natin nalilimutan ang tunay na layunin ng buhay, ang
manatiling isang tunay at tapat na alipin ng ating Tagapaglikha. Ang Salah ay siyang paraan
upang maging matatag ang haligi ng ating Eemaan (pananampalataya) at ito ay isang
paghahanda sa buhay na may layon ng kabutihan at pagtalima sa Allah. At dahil sa palagiang
Salah, umuusbong sa ating sarili ang katapatan, makahulugang buhay, kalinisan ng puso,
katatagan ng kaluluwa at pagkakaroon ng dangal at mataas na moral.
ANG PANANAGUTAN
Tayong mga Muslim ay nagsasagawa ng paglilinis sa katawan (Wudoo) ayon sa pamamaraan ni
Propeta Muhammad , at tayo ay nagdarasal ayon sa kanyang aral at kautusan. Bakit natin
ginagawa ito? Sapagka’t tayo ay naniniwala kay Propeta Muhammad bilang Tunay na Sugo
ng Allah at tayo ay napag-uutusan na ang pagsunod kay Propeta Muhammad ay pagsunod sa
Allah. Tayo ay bumibigkas ng mga Ayaah (talata) ng Qur’an sa paraang mahusay at maayos.
Bakit natin ginagawa ito? Sapagka’t mayroon tayong matibay na pananampalataya na ang Allah
ay nakakikita sa lahat ng ating kilos at galaw. Bakit tayo nagdarasal sa itinakdang oras bagaman
wala namang taong pumupuna sa atin kung tayo ay nagdarasal o hindi? Sapagka’t tayo ay may
pananalig at pananampalataya na ang Allah ay lagi nang nakamasid sa lahat ng kanyang nilikha.
Bakit tayo tumitigil pansumandali sa ating mga gawain at trabaho? Bakit tayo gumigising sa
madaling araw at iniiwan ang higaan upang pumunta sa Masjid kahit sa panahon ng taglamig o
tag-init? Ito ay walang iba kundi ang pagkakaroon natin ng pagpapahalaga sa tungkulin at
pananagutan sa Allah - isang pananagutan na nagbibigay-paalaala na dapat nating tuparin ang
ating tungkulin sa Kanya anuman ang ating kalagayan sa buhay.
Bakit tayo nagagambala kung tayo ay nagkamali sa pagdarasal? Sapagka’t ang ating puso ay
tigib ng takot sa Allah (Diyos) kalakip ng pagmamahal natin sa Kanya, at alam natin na tayo ay
haharap sa Kanya sa Araw ng Paghuhukom. Mayroon pa bang ibang paraan maliban sa Salah na
siyang gumigising sa ating damdamin?
ANG SALAH
Ang Tatak ng Pananampalataya
Ang Salah ay siyang unang palatandaan ng pagkakaroon ng pananampalataya. Pagkaraang
magpahayag ang isang tao ng Shahada (Laa ilaaha illAllah Muhammadur Rasulullaah) ang
unang bagay na binibigyan ng pagpapahalaga ay ang pagsagawa ng Salah. Isang pagpapatunay
sa katotohanan na kung ang isang tao ay may pananampalataya at naniniwala na siya ay isang
alipin lamang ng Allah, at ang Allah lamang ang tanging Panginoon, ang paniniwalang ito ay
nabibigyan ng tunay na kahulugan sa pamamagitan ng Salah. Sa Banal na Qur’an, ang Salah ay
binanggit kasunod ng pananampalataya.
"Tunay, yaong mga nananampalataya, at gumagawa ng kabutihan, at nagsasagawa ng Salah…ay
makakamtan ang kanilang gantimpala sa kanilang Panginoon…" [Quráan-, 2:277]
Ito ay nagpapahiwatig sa katotohanan na kung ang punla ng pananampalataya ay itatanim sa
puso, ang unang usbong na lilitaw ay ang Salah. Ang Salah ay hindi lamang unang palatandaan
ng pananampalataya, kundi isang makatuwirang bunga ng pananampalataya. Kapag ang puso ay
nagkaroon ng pananampalataya, ang kaisipan ng tao ay nakararamdam ng isang pagnanasang
sumuko at sumunod sa Allah. Ang Salah ang siyang malalim na simbuyo ng pagkilala sa Diyos
na naipapahayag lamang sa pamamagitan nito. Kaya ang Propeta Muhammad ay nagsabi:
"Ang pagitan ng pananampalataya at kawalan ng pananampalataya ay ang Salah" [Muslim]
Sa isang Hadeeth ni Propeta Muhammad , siya ay nagsabi:
"Ang isang bagay na kinaiiba natin sa mga mapagkunwari ay ang ating Salah." [An-Nasaai]
Dito sa nabanggit na Hadeeth ni Propeta Muhammad nangangahulugan na kahit ang isang tao
ay ipinanganak sa mga magulang na Muslim, hindi ito sapat upang siya ay ituring na isang
Muslim sa tunay na kahulugan nito maliban kung siya ay nakatutupad sa aral ni Propeta
Muhammad . Ang Islam ay hindi namamana bagkus ang Islam ay nakukuha sa pamamagitan
ng pag-aaral at pagpapaunlad ng pananampalataya. Kahit na ang isang tao ay may pangalang
Abdullah o siya ay Arabo nguni’t hindi naman siya nagsasagawa ng Salah, ano ang pagkakaiba
niya sa isang Kaafir (walang pananampalataya)?
Kaya ang Salah ay tunay na nagsisilbing tatak ng mananampalataya. Ang Salah ay mahalaga sa
pananampalataya katulad din ng puso na mahalaga sa katawan ng tao. Kung ang puso ay may
sigla, init at lakas, ang daloy ng dugo ay patuloy na pumapasok sa ibang bahagi ng katawan
upang mapananatili nitong buhay at masigla ang katawan. Nguni’t kung ang Salah ay hindi
naisasagawa, ang pagpapatupad at pagsunod sa ibang batas ng Allah ay hindi rin
naisasakatuparan. Kaya ang Salah ay isang bagay na nagpapanatili at nangangalaga sa
pananampalataya ng tao. Ito ay tumatayo bilang haligi ng kabanalan.
ANG SALAH
Ang Pag-alaala sa Allah
Bagaman, ang Zakaah, Hajj, at pag-aayuno (Sawm) ay isinasaalang-alang bilang haligi ng Islam,
ang Salah ay may natatanging kahalagahan bilang haligi ng Islam. Ito ay nagsasaad ng kabuuan
ng pananampalataya. Maaaring maitanong kung bakit ito ang kabuuan ng Pananampalataya. Ang
Qur’an ay nagbigay ng kasagutan nito:
"Magsagawa ng Salah para sa pag-aalaala sa Akin." [Quráan-, 20:14]
"Magpatirapa at magsilapit (sa Allah)" [Qur’an, 96:19]
Si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Ang tao ay napakalapit sa Allah sa oras ng kanyang
pagpapatirapa sa lupa." (Muslim)
Upang maalaala ang Allah, mapalapit sa Kanya at makausap Siya - ito ay sa pamamagitan ng
Salah. Mayroon pa bang hihigit na bagay na maaaring isaalang-alang bilang diwa ng
pananampalataya at pagsuko maliban sa Salah? Bawa’t galaw na ginagawa para sa pagsamba sa
Allah ay bunga ng malalim na pananampalataya. Ang ugat ng pananampalataya ay kumukuha ng
lakas at sigla sa pag-alaala sa Allah o paggunita sa Kanya. Kung ang puso ng tao ay walang pagalaala
sa Allah, ang pananampalataya ay hindi mananatili sa sarili sapagka’t ang kabanalan,
pagkatakot at pagmamahal sa Allah ay hindi matatagpuan sa isang walang pananampalataya.
Ang kabanalan ay umuusbong lamang sa isang taong may pananampalataya na may lakip na
sigla at lakas na nagmumula sa pag-alaala sa Allah (Dhikr). Ang pag-alaala sa Allah ang siyang
daluyan ng lahat ng kabutihan sapagka’t ang pinakadakilang gawa ay nasa pag-alaala sa Allah.
Kaya ang kabanalan at pagsamba sa Allah ay nakasalalay sa Salah. Ang Qur’an ay nagsabi:
"Alalahanin ang Allah habang nakatayo, nakaupo at nakasandig." [Quráan- 4:103]
"Tunay na sa pagkakalikha ng mga kalangitan at ng kalupaan at sa pagpapalitan ng gabi at araw
ay mga Tanda (ng Kanyang Kapamahalaan) para doon sa mga taong may pang-unawa na
inaalaala ang Allah, nakatayo, nakaupo at nakasandig at pinagbubulay-bulayan ang pagkakalikha
ng mga kalangitan at kalupaan, na nagsasabi: O, Panginoon hindi Mo ito nilikha nang walang
kadahilanan." [Qur’an 3:190-191]
ANG SALAH
Ang Pagkain ng Kaluluwa
Ang katawan ng tao ay may dalawang bahagi. Ito ay ang pisikal na bahagi at ang ispirituwal na
bahagi. Ang dalawang bahagi ng katawang ito ay kapwa nangangailangan ng pagkain upang
manatiling malakas. Ang pisikal na bahagi ay pinakakain upang maging malusog ito. Sa kabilang dako, ang ispirituwal na bahagi ay nangangailangan din ng pagkain upang manatiling malusog at malayo sa sakit ng pagkakasala. Ang pagkain nito ay ang Salah. Ang pisikal na bahagi ay dapat maging malinis kaya ang tao ay nararapat maligo sa pamamagitan ng tubig. Ang ispirituwal na bahagi ay kailangan ding linisin. Ang panlinis sa dumi ng ispirituwal na bahagi ay angpagsasagawa ng Salah. Si Propeta Muhammad ay nagsabi:
"Sabihin sa akin, kung may isang ilog sa tabi ng inyong pintuan at doon kayo ay naghuhugas
(naglilinis) nang limang ulit maghapon, mayroon pa kayang matitirang dumi? Nang marinig ni Propeta Muhammad na may nagsabing "walang matitira", Siya ay nagsabing muli na "Iyan ay katulad ng limang ulit na pagsasagawa ng Salah na kung saan tinatanggal ng Allah ang mga kasalanan." [Al-Bukhari & Muslim] Si Abu Dhaar ay nagsalaysay na si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Ang Muslim na nagsasagawa ng Salah nang dahil sa Allah, ang kanyang mga kasalanan aynalalaglag katulad ng mga dahon na nalalaglag mula sa (sanga ng) punong kahoy." [Ahmad]
ANG SALAH
Saksi sa Araw ng Paghuhukom
Dahil ang kamatayan ng tao ay dumarating sa anumang takdang panahon, si Propeta
Muhammad ay nagbigay-aral sa lahat na:
"Ituring ang bawa’t Salah bilang inyong huling Salah." [Ibn Majah & Ahmad]
Kung ang kamatayan ay laging nasa ating isip, tayo ay laging nakapagsasagawa ng Salah nang
buong taimtim at buong puso. Sa Araw ng Paghuhukom, ang unang tungkulin na ating
pananagutan ay ang ating Salah. Ayon kay Abdullah bin Amr, si Propeta Muhammad ay
nagsabi na:
"Sinuman ang palagiang nagsasagawa ng Salah, ang kanyang mukha ay magliliwanag, ito ang
saksi sa katatagan ng kanyang pananampalataya, ito ang dahilan ng kanyang kaligtasan sa Araw
ng Paghuhukom. At sinuman ang magpabaya ng kanyang Salah, hindi niya makakamit ang
liwanag, o ang katatagan ng pananampalataya o ang daan ng kaligtasan. At ang magiging
kasamahan niya ay sina Paraon, Haman at Qaroon at si Ubay bin Kalaf." [Al-Bukhari]
ANG ADHAAN
Unang Tawag ng Salah
Kapag narinig natin ang Adhan, upang maghanda sa pagsasagawa ng Salah, ating maririnig angAsh-hadu an laa ilaaha illAllah (Ako ay sumasaksi na walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah). Ito ay nangangahulugan na tayo ay inaanyayahan na sumaksi sa isang dakilang bagay, na ang kahulugan at kahalagahan ay higit pa sa anumang yaman na maaaring angkinin ng isang tao. Ito ang pagpapahayag at pagsaksi na walang dapat sambahin maliban sa ating Panginoong Tagapaglikha. Tayo ay inaatasang sumaksi sa likas na katotohanan. Ang Propeta Muhammad ay nagsabi na: "Sinuman ang nagpahayag (nang buong puso at katapatan) na walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, siya ay makapapasok sa Paraiso." [At-Tirmidhi] Kaya sa limang beses maghapon, tayo ay paulit-ulit na sumasaksi sa Makapangyarihang Allah. Ito ang nagpapalaala sa atin na tayo ay nilikha ng Allah bilang Kanyang mga alipin. Na tayo ay dapat tumupad sa kasunduan, isang kasunduang umuugnay sa pagiging alipin natin at ang Allah bilang ating Panginoon. Kaya sa Adhan pa lamang naroon na ang pagpapala ng Allah sa mga taong may pananampalataya.
MASJID Ang Pook Dalanginan
Sa pagpasok ng Masjid, ang isang mananampalataya ay walang nakikitang larawan, imahen,
istatuwa o anumang bagay na maaaring makagambala sa kanyang pagdarasal. Ang kanyang isip ay mapayapang nakatuon sa pagtalima sa Allah. Ang Masjid ay isang pook na simpleng itinatayo upang magsilbing dalanginan ng tao. Si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Ipahayag ang isang magandang balita ng isang makislap na liwanag sa Araw ng Paghuhukom
para doon sa mga taong pumupunta sa Masjid kahit sa madilim na gabi (upang magsagawa ng sama-samang Salah (congregational)" Abu Daud & Tirmidhi.
ANG KAHALAGAHAN NG SALAH AL-JUMAA’AH
(Magkakasamang Pagdarasal ng mga Muslim)
1. Ang Makalayuning Pagtitipon.
Ang sama-samang pagsasagawa ng Salah ay isang makalayuning pagtitipon ng lahat ng alipin ng Allah. Ito ay paglalarawan ng isang "Ummah" o grupo na may iisang layunin lamang. Isang pananampalataya sa isang Diyos, isang Aklat na Patnubay, at isang damdaming pagkakapatiran. Ang kanilang buhay ay magka-kaugnay at ang kanilang damdamin ay nagkakaisa. Sila ay magkakapatid sa pananampalataya. Sila ay tumatayong sama-sama, magkakadikit ang mga balikat, yumuyukod nang sabay-sabay, at nagpapatirapa nang buong ingat at taimtim. Bagaman sila ay magkakaibang tribo o lahi, may mayaman at mahirap, may itim at puti, sila ay nagpapahiwatig ng isang uri ng pagkamamamayan.
2. Ang Pagmamahal sa Kapatid
At dahil sa sama-samang Salah, ang mga Muslim ay napapaunlad ang kanilang mga ugnayan
maging panlipunan o pansarili. Kapag nakikita ng isang Muslim ang kanyang kapatid na may
lungkot sa mukha, maaari niya itong lapitan upang tanungin at tulungan kung anuman ang
dahilan ng kanyang kalungkutan. Kung may isang Muslim na nakakakita ng kanyang kapatid na may kapansanan, ito ay maaari niyang lapitan at tulungan. Kapag may mayamang kapatid na kasama sa sama-samang Salah, siya rin ay nararapat na nakahandang tumulong o magbigaytulong sa kapatid niyang nangangailangan. Ito ang magandang dahilan kung bakit ang samasama pagsagawa ng Salah (congregational) ay isang itinakdang batas. Si Propeta Muhammad , ayon kay Ibn Umar, ay nagsabi: "Ang pagsagawa ng Salah (congregational Salah) ay dalawampu’t pitong higit na mabuti kaysa sa pagsagawa ng Salah sa bahay..." (Ahmad & Al-Bukhari) Tunay nga na maraming pagpapala ang matatamo ng isang taong nagsasagawa ng Salah sa Masjid sapagka’t bawa’t hakbang na nilakad niya tungo sa Masjid ay may gantimpala: ang mga kasalanan ay naaalis, ang mga Anghel ay nagsusumamo sa Allah na bigyan siya ng pagpapala, at higit sa lahat ang kanyang panahong ginugol sa paghihintay sa Masjid ay itinuturing bilang gawaing Salah. Kaya sa isang pagkakataon, si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Kung alam lamang nila ang kabutihan ng Fajr (Salah Fajr) at panggabing pagdarasal (Salah Isha), katotohanang sila ay sasama (sa pagtitipun-tipong Salah) kahit sila ay magtungo sa Masjid nang gumagapang." [Al-Bukhari & Muslim].
ANG SALAH
Ang Pamamaraan ni Propeta Muhammad
Ang maikling pagpapaliwanag tungkol sa pamamaraan ni Propeta Muhammad ay hango sa
panulat ni Sheikh Abdul Aziz Bin Abdullah Bin Baz. Bawa’t Muslim, lalaki o babae ay
nararapat na sundin ang pamamaraan ng pagsasagawa ng Salah ni Propeta Muhammad
sapagka’t siya ay nagsabi:
"Magsagawa ng Salah sa pamamaraang katulad ng pagsasagawa ko ng Salah." (Al-Bukhari)
Ang pamamaraan ng pagsasagawa ng Salah ni Propeta Muhammad ay isinalaysay sa ganitong paglalarawan:
1. Ang isang taong may hangaring magsagawa ng Salah ay nararapat magsagawa ng mahusay at maayos na Wudoo katulad ng kautusan ng Allah sa Banal na Qur’an na nagsasabi: "O kayong nananampalataya, kung kayo ay maghahanda para sa Salah, hugasan ang mukha, at ang inyong mga braso hanggang siko, haplusin ang inyong mga ulo (ng basang kamay) at hugasan ang inyong mga paa hanggang bukong-bukong" [Quráan- 5:6].
2. Ang isang nagsasagawa ng Salah ay nararapat na nakaharap sa Qiblah o ang direksiyon tungo sa Ka’bah. Ang kanyang pag-iisip ay kailangang may hangaring magsagawa ng partikular na Salah, maging ito ay Fard (itinakdang tungkulin) o Sunnah (kusang loob). Ang intensiyon ay hindi dapat ipahayag nang malakas. Ito ay sa kalooban lamang ng isang naghahangad magdasal. Ang isa o grupo (na may Imaam) na nagdarasal ay nararapat maglagay ng harang (Sutra) sa kanyang/kanilang harapan upang hindi siya/sila gambalain ng mga taong nagdaraan. Ang pagharap sa Qiblah ay isa sa mahalagang patakaran ng Salah, maliban na lamang sa ibang pagkakataon na hindi maiwasan.
3. Ang Salah ay sinisimulan sa pamamagitan ng Takbir "Allahu Akbar" (Ang Allah ay Dakila) at ang mga mata ay nararapat na nakatingin at nakatuon sa lugar ng pagpapatirapaan.
4. Sa pagpapahayag ng Takbir (Allahu Akbar), kailangang itaas ang dalawang kamay kapantay ng kanyang tainga at lagpas balikat.
5. Pagkatapos, ang dalawang kamay ay nararapat na nasa dibdib. Ang kanang kamay ay
nakapatong sa kaliwa, nakadikit sa mismong pulso o braso katulad ng pagsasalaysay na nagmula kay Propeta Muhammad .
6. Pagkaraan ng Takbir (Allahu Akbar), isang Sunnah na simulan ang paunang (panalangin)
Du'aa nang ganito: "Allahumma Baa'id baynee wa bayna Khataayaaya kamaa baa'adta baynal Mashriqi wal-Maghrib." (O, Allah, ilayo Mo ako sa aking mga kasalanan katulad ng pagkakalayo ng kanluran at silangan.) "Allahumma naqqinee min khataayaaya kamaa yunaqqath-thawbul-abyadu minaldanas." (O, Allah, linisin Mo ang aking mga kasalanan katulad ng puting tela na malinis mula sa karumihan.) "Allahummagh-silnee min khataayaaya bil-maa'i wath-thalji wal-bard." (O, Allah, hugasan Mo ang aking mga kasalanan sa pamamagitan ng tubig, yelo at hamog.") Marami ding iba't ibang mga Du'aa ang ginamit ni Propeta Muhammad na maaaring gawing panimulang panalangin. Pagkaraan ng panimulang Du'aa, ito ay sinusundan ng: "Ao'udhu Billaahi Min Al-Shaitanir Rajeem" (Ako ay nagpapakupkup sa Allah laban sa isinumpang Satanas), At bigkasin ang:
"Bismillaahir-Rahmaanir-Raheem" (Sa Ngalan ng Allah, Ang Mahabagin, Ang Maawain).
Kasunod nito ang pambungad na kabanata ng Banal na Quráan- ang Soorah Al-Fatihah. Si
Propeta Muhammad ay nagsabi: "Sinuman ang hindi bumigkas ng Al-Fatihah, ay hindi nagsagawa ng Salah." Pagkatapos ng Al-Fatihah, bumigkas din ng mga piniling talata o kabanata sa Banal na Qur’an. Ayon sa Hadeeth ni Propeta Muhammad Ang Salatul-Fajr, Maghrib, at Isha ay mga Salah na ang Al-Fatihah at ang mga kasunod na talata mula sa Qur’an ay binibigkas nang malakas ng Imaam upang marinig ng mga nagdarasal. Sa Salatul Duhur at Asr, ang mga dasal ay isinasagawa sa tahimik na pamamaraan, higit na mabuting bigkasin sa Salatul-Duhur, Asr at Isha, ang mga katamtamang haba ng mga talata o kabanata ng Banal na Qur’an. Sa Salatul Fajr, higit na mabuti ang mga mahahabang talata o kabanata, at sa Salatul Maghrib naman, yaong mga maiikli lamang.
7. Kung tapos na ang pagbigkas ng mga talata ng Qur’an, kasunod nito ay ang Rukoo, itinataas
ang mga kamay kapantay ng tainga at yumuko. Ang mga daliri ng kamay ay nakahawak sa
tuhod. At sa ganitong kalagayan, binibigkas niya ang pagpuri sa Allah: "Subhanna Rabbi Al Azeem" (Luwalhati sa Aking Panginoon, Ang Dakilang Makapangyarihan). Ito ay binibigkas ng tatlong beses. Higit na mabuti kung idagdag pa ang ganitong papuri. "Sub'hanak Allahuma wa Bi Hamdik" (Luwalhati sa Iyo O Allah, Purihin Ka, O Allah,)
8. Mula sa Rukoo, tumayo nang matuwid kasabay ng pagtaas ng dalawang kamay kapantay ng tainga at sabihin:
"Sami' Allahu Liman Hamidah" (Dinidinig ng Allah ang sinumang Pumupuri sa Kanya).
Sa nakatayong posisyon, mabuti ring bigkasin bilang karagdagan ang:
"Hamdan Kathiran Tayyiban Mubarakan" (Pagpupuring lubos (marami), mabuti at pinagpala). Ang mga Muslim na nagdarasal sa likod ng Imaam ay dapat ding magsabi habang tumitindig mula sa posisyong Rukoo ng: "Rabbanaa wa lakal-hamd"(O Aming Panginoon, Luwalhati Sa Iyo.)
9. Habang nakatindig, sabihin ang "Allahu Akbar" at magpatirapa. Sa posisyong (Sujood)
nakapatirapa, bigkasin ang:
Sub'hana Rabbi Al-A'la (Luwalhati sa Aking Panginoon, Ang Kataas-taasan).
Ito ay inuulit ng tatlong beses. Si Propeta Muhammad ay nagsabi na sa posisyong Rukoo,
luwalhatiin ang Diyos at sa posisyong Sujood (nakapatirapa) magsumamo nang pinakamahusay at hilingin ang anumang nais. Samakatuwid, nararapat na humingi ng pagpapala dito sa mundo at sa kabilang buhay mula sa Allah. Sa posisyong nakapatirapa, ang mga braso ay hindi dapat nakadikit sa gilid ng katawan at ang mga hita ay hindi rin nakadikit sa tiyan. Ang mga hita ay dapat na manatiling magkahiwalay mula sa mga binti, at ang mga braso ay nakataas sa lupa. Ang mga braso ay hindi dapat nakasayad sa lupa. Si Propeta Muhammad ay nagsabi: "Manatiling matuwid ang katawan sa posisyong Sujood. At huwag ilapag ang mga braso sa lupa na parang mga aso."
10. Umupo mula sa pagkakatirapa at bigkasin ang Takbir (Allahu Akbar). Sa posisyong
pagkakaupo, ilatag ang kaliwang paa at upuan ito. Ang kanang paa ay kailangang nasa matuwid na posisyon na nakatingkayad. Ang mga kamay naman ay nasa mga hita. Sa ganitong posisyon, bigkasin ang:
"Rabbig firli, warhamni, wahdini, wajburni,warzaqni, wa'afini" (O Panginoon, Nawa'y
patawarin Mo po ako, kahabagan Mo po ako, patnubayan Mo po ako, aliwin Mo po ako, ibigay ang aking pangangailangan at pagalingin Mo po ako)"
11. Muli, magpatirapa sa ikalawang pagkakataon, katulad ng naunang pamamaraan.
12. Habang itinataas ang ulo mula sa pagkakatirapa, sabihin ang Takbir (Allahu Akbar).
Pagkaraan ng ilang minuto, mahinahong tumayo para sa ikalawang Rak’ah. Sa ikalawalang
Rak’ah, kailangang bigkasin muli ang Al Fatihah at ang isang talata o kabanata mula sa Banal na Qur’an at gawin ang katulad na naunang pamamaraan.
13. Sa mga Salah na kinabibilangan ng dalawang Rak’ah katulad ng Fajr, Juma, at ‘Eid,
nararapat na umupo pagkaraan ng dalawang Rak’ah. Sa pagkakaupong posisyon, kinakailangan isagawa ang Tashahud na: "At-tayyiyato lillahi was-salawato wa tayyibatu. As salaam alaika ayyuh-an-nabbiyu waramatullahi wa barakatuh. As salam alayna wa ala ibadullahis-salihin. Ashadu an la ilaha ill-Allah wa ashadu ana Muhammadar Rasullulah.
Allahumma salli ala Muhammadin wa ala ali Muhammadin. Kama salayta ala Ibraaheema wa ala ali Ibraaheema. Innaka Hamid-um Majid. Allahumma Barik ala Muhammadin wa ala ali Muhammadin, Kama barakta ala Ibraaheema wa ala ali Ibraaheema, Innaka Hamid-um Majid, Rabbana atina fi dunya hasanat wal fil akhirati hasanat waqina adha ban-nar"
(Lahat ng papuri, pagsamba ay nauukol lamang sa Allah. Nawa'y ang kapayapaan at ang
Pagpapala ay mapasakay Propeta Muhammad at ng lahat ng kanyang tagasunod katulad ng
pagpapala kay Ibraaheem at sa tagasunod ni Ibraaheem at sa lahat ng mabuting alipin ng Allah.
Ako ay sumasaksi na walang tunay na Diyos maliban sa Allah, at ako ay sumasaksi na si
Muhammad ay Kanyang alipin at sugo. O, Aming Panginoon pagpalain mo kami dito sa daigdig at sa kabilang buhay at ilayo Mo kami sa Apoy). Pagkaraan nito, nararapat na humingi ng proteksiyon laban sa apat na uri ng kasamaan sa pamamagitan ng pagbigkas ng:
"Allahuma ini audhu bika min adhabi jahannama wa min adhabil qabr, wa min fitnatii mahyaa wal-mamati, wa min fitnatil mashidi-dajaal." (O Allah, ako ay nagsusumamo sa Iyo na iligtas Mo ako sa parusa ng Impiyerno, at sa parusa ng hukay, at sa pagsubok sa buhay at kamatayan, at sa mapanlinlang na Al-Mashid-Dajal). Maaaring magsabi pa ng karagdagang panalangin upang humingi ng kasaganaan dito sa lupa at maging sa kabilang buhay. Pagkatapos ng mga panalangin, ibaling ang mukha sa kanan at bigkasin ang "As Salaamu alaikum wa rahmatullaah" (Nawa'y ang Kapayapaan at Pagpapala ng Allah ay mapasainyo), at pagkaraa’y ibaling ang mukha sa kaliwa at bigkasin din ang “As Salaamu alaikum wa rahmatullaah”.
14. Kung ang Salah ay binubuo ng tatlo o apat na Rak’ah katulad ng Maghrib, Dhuhur, Asr at Isha, pagkaraan ng ikalawang Rak’ah, ang unang kalahating bahagi ng Tashahud (hanggang sa Muhammadur Rasulullaah) ay binibigkas bago tumayong muli para sa susunod na Rak’ah. Sa ikatlo at ika-apat na Rak’ah, huwag magbasa ng anumang talata ng Banal na Qur’an pagkatapos bigkasin ang Al-Fatihah. Sa huling Rak’ah ang buong bahagi ng Tashahud ay binibigkas.
15. Pagkaraan ng Salaam, sabihin ang:
Astagfirullah Al Azeem (O Allah, Ang Dakila, Patawarin Mo ako) tatlong beses at sinusundan ito ng " Allahumma antas salam, wa minkas salam, Tabaraakta yadhal jalali wal ikram" (O Allah, Ikaw ang Kapayapaan, at ang kapayapaan ay nagmumula sa Iyo, Ikaw ang Mapagpala. Ikaw ang Panginoon ng Kadakilaan at Karangalan). Pagkaraan nito, ang Imaam ay haharap sa mga nagdarasal at patuloy na nagsasabi ng: "Laa Ilaha illAllah, wahdahu la sharika lah, lahul mulku, wa lahul Hamdu, wa huwa a'la kulli shay-in qadir" (Walang tunay na Diyos na dapat sambahin maliban sa Allah, Siya ay walang kaagapay, Sa Kanya ang pagmamay-ari ng lahat ng kapamahalaan at kapurihan, at Siya ang nakapangyayari sa lahat ng bagay."
16. Isa ring mahalagang Sunnah ni Propeta Muhammad ay ang pagsabi ng "Sub'hanAllah" ,
"Al Hamdulillah", at "Allahu Akbar" ng tig-tatatlumpu't tatlong (33) beses at upang maging
kabuuang isang daan, ito ay dinaragdagan ng isang "Laa ilaaha illAllah."
17. Pinagpapayuhan din ang mga Muslim na magsagawa ng mga Nafl Salah (kusang-loob na
Salah) na magsagawa ng apat na Rak’ah bago magdasal ng Dhuhur at dalawang Rak’ah
pagkatapos nito, dalawang Rak’ah pagkatapos ng Maghrib at Isha, at dalawang Rak’ah bago ang Salatul Fajr. Ang mga kusang-loob na Salah ay tinatawag ding Rawatib sapagka’t si Propeta Muhammad ay palagiang ginagawa ito. At kung siya ay naglalakbay, wala siyang ginagawang Rawatib maliban sa dalawang Rak’ah ng Fajr at ang Witr (sa gabi).
ANG MGA PATAKARAN SA PAGSASAGAWA NG SALAH
1. Islam (Nararapat na siya ay Muslim).
2. Wastong kaisipan
3. Wastong Gulang
4. Wudoo
5. Kalinisin sa Katawan, Pananamit, Kapaligiran.
6. Tamang pananamit.
7. Katapatan ng Intensiyon.
8. Nasa Direksiyon ng Qiblah.
9. Nasa Tamang Oras ng Salah.
ANG MGA BAGAY NA NAGPAPAWALANG-BISA
NG SALAH
Ang Salah ay nawawalan ng bisa o kabuluhan kapag ang alinman sa mga sumusunod ay nagawa
habang nag-aalay ng Salah.
1. Ang sinasadyang pagsasalita.
2. Ang pagtawa.
3. Ang pagkain habang nasa Salah.
4. Ang pag-inom
5. Ang pag-alis ng takip sa mga bahagi ng katawan na hindi pinahihintulutang alisin habang nasa
Salah.
6. Sobrang paglihis sa direksiyon ng Qibla.
7. Sobrang paggalaw na hindi bahagi ng Salah.
8. Ang pagkawalang-bisa ng Wudoo.