Lunes, Hulyo 11, 2011

ANG KASAYSAYAN NG PAGLIKHA

GAWANG ARALIN NI . Brother. Abdul Aziz Serna
AUDHO BILLAHI MINASHAITANER RAJIIEM
BISMILLAH HIRRA MANIRAHIEM
ALHAMDULLILAH RABBIL ALAMIN
WASALATO WASALAMO WA MUHAMMADIN
WA LA ALI WA SABI’IH A JIMAIN A MABAD
ASSALAMU ALAYKUM WARAH MATULAHI WA BARAKHATU




ANG KASAYSAYAN NG PAGLIKHA
Nagsisimula ang kasaysayan ng paglikha magmula ng likhain ni Allah ang ama ng sangkatauhan, si Adan. Nilikha siya ni Allah mula sa putik, pagkatapos ay hinipan Niya siya ng kaluluwa. Itinuro Niya sa kanya ang pangalan ng mga bagay. Inutusan ni Allah ang mga anghel na magpatirapa sa kanya, bilang karagdagang pagpapahalaga at pagpaparangal. Nagpatirapa silang lahat maliban kay Satanas; tumanggi siya at nagmalaki dahil sa inggit kay Adan. Kaya ibinagsak siya ni Allah mula sa kaharian ng mga Langit at inilabas siya na isang hamak na pinagtatabuyan. Hinatulan Niya siya ng sumpa, kasawian at Impiyerno. Hiniling ni Satanas sa Panginoon niya na palugitan siya hanggang sa Araw ng Pagkabuhay. Nagpalugit naman sa kanya si Allah. Sumumpa si Satanas na ililigaw niya ang lahat ng anak ni Adan.
Pagkatapos niyon ay nilikha ni Allah mula kay Adan ang maybahay niya na si Eva upang manahan sa piling nito at mapanatag sa piling nito. Inatasan Niya silang dalawa na manahan sa Paraiso na naglalaman ng kaginhawahang hindi sumagi sa isip ng tao. Ipinabatid Niya sa kanilang dalawa ang pagkamuhi ni Satanas sa kanila. Pinagbawalan Niya sila na kumain mula sa isang punong-kahoy sa mga punong-kahoy sa Paraiso, bilang pagsubok at pagsusulit sa kanila. Subalit inudyukan sila ni Satanas at inakit sila na kumain sa punong-kahoy na iyon. Sumumpa siya sa harap nila na siya ay isa sa mga nagpapayo sa kanila. Sinabi niya: “Kung kakain kayo mula sa punongkahoy na ito, magiging kabilang kayo sa mga mananatiling buhay.”
Hindi niya nilubayan silang dalawa hanggang sa natukso niya sila. Kumain sila mula sa punong-kahoy at nasuway nila ang Panginoon nila. Ngunit pinagsisihan nila nang matindi ang nagawa nila. Nagsisi sila sa Panginoon nila at tinanggap naman Niya sa kanila ang pagsisisi. Subalit ibinaba Niya sila mula sa Paraiso tungo sa Lupa. Nanirahan sa Adan at ang maybahay niya sa Lupa. Pinagkalooban siya ni Allah ng mga supling na nagsidami at nagsanga-sanga hanggang sa panahon natin sa ngayon.
Hindi pa rin tumitigil si Satanas at ang mga supling niya sa patuloy na pakikitunggali sa mga anak ni Adan upang hadlangan sila sa patnubay, pagkaitan sila ng kabutihan, pagandahin ang kasamaan sa paningin nila, at ilayo sila sa kinalulugdan ni Allah, sa paghahangad sa pagpasok nila sa Impiyerno sa Kabilang-buhay. Subalit hindi hinayaan ni Allah ang mga nilikha Niya na napababayaan, bagkus ay nagsugo Siya sa kanila ng mga sugo na nagpapaliwanag sa kanila ng katotohanan at gumagabay sa kanila sa kaligtasan.
Nang namatay si Adan, namuhay ang mga supling niya noong wala na siya sa loob nang sampung salinlahi habang sila ay nananatili sa pagtalima kay Allah at pagsampalataya sa Kaisahan Niya. Pagkatapos niyon ay naganap ang shirk (pagsamba sa iba pa kay Allah). Sinamba kasama kay Allah ang iba pa kay Allah. Nagsimula ang mga tao sa pagsamba sa mga imahen. Kaya ipinadala ni Allah ang kauna-unahan sa mga sugo Niya, si Noe upang mag-anyaya sa mga tao sa pagsamba kay Allah at pagwaksi sa pagsamba sa mga idolo.
Pagkatapos ay nagkasunud-sunod na ang mga propeta noong wala na siya. Nag-anyaya sila sa Islam: ang pagsamba kay Allah lamang at pagwawaksi sa anumang sinasamba na iba pa kay sa Kanya.
Pagkatapos ay dumating si Abraham. Inanyayahan niya ang mga kababayan niya na iwan ang pagsamba sa mga idolo at ibukod-tangi si Allah sa pagsamba. Ang pagkapropeta noong wala na siya ay nakamtan ng mga anak niya na sina Ismael at Isaac. Pagkatapos ay napunta sa mga anak ni Isaac.
Ang ilan sa napakadakila na mga propeta mula sa mga supling ni Isaac ay sina Jacob, Jose, Moises, David, Solomon at Jesus, sumakanila ang kapayapaan. Pagkatapos ni Jesus ay wala nang propeta na mula sa mga supling ni Isaac.
Pagkatapos niyon ay nasalin ang pagkapropeta sa sangay ni Ismael. Hinirang ni Allah si Muhammad, sumakanya ang biyaya at ang kapayapaan Niya, upang maging pangwakas sa mga propeta at mga sugo, upang ang mensahe sa kanya ay maging ang pangwakas at upang ang Aklat na inihatid niya na ibinaba sa kanya, ang Qur’an, ay maging ang huling mensahe ni Allah sa Sangkatauhan. Dahil dito, dumating ang mensahe niya na masaklaw, ganap at panlahat: para sa tao at jinn, at para sa Arabe at di-Arabe, naaangkop sa bawat panahon at pook, at bansa at kalagayan. Walang kabutihang hindi nito itinuro at walang masama na hindi nito binigyang-babala. Hindi tatanggap si Allah mula sa sinuman ng isang relihiyong iba pa sa inihatid ni Muhammad.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento